Mateo 6:10-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Nawa'y maghari ka sa amin.Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.

11. Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw;

12. at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.

13. At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama!’

14. “Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit.

15. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.”

16. “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

17. Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok

18. upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”

19. “Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw.

20. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw.

21. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”

22. “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, maliliwanagan ang iyong buong katawan.

23. Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang liwanag mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”

24. “Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.

Mateo 6