Mateo 27:13-30 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba narinig ang paratang nila laban sa iyo?”

14. Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.

15. Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan.

16. Si Jesus Barabbas ay isang kilalang bilanggo noon.

17. Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?”

18. Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.

19. Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan. Wala siyang kasalanan. Ngayon ay pinapahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”

20. Ang mga tao nama'y sinulsulan ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay.

21. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.

22. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23. “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”

24. Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.

25. Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya.”

26. Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.

27. Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya.

28. Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula.

29. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”

30. Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo.

Mateo 27