Mateo 18:8-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. “Kung ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay.

9. Kung ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”

12. “Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa bundok upang hanapin ang naligaw?

13. Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw.

14. Gayundin naman, ayaw ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”

15. “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid.

16. Ngunit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi.

17. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”

18. “Tandaan ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang pahintulutan ninyo dito sa lupa ay pahihintulutan sa langit.

19. “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit.

20. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”

21. Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”

22. Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.

Mateo 18