9. Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
10. Tinanong siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”
11. Sumagot siya, “Paparito nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay.
12. At sinasabi ko sa inyo, pumarito na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.”
13. Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.
14. Nang sila'y makabalik, napakaraming tao ang kanilang nadatnan. Lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi,
15. “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan kapag sinusumpong. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig.
16. Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.”
17. Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”
18. Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.
19. Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, “Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?”
22. Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay pagtataksilan
23. at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot.
24. Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila.
25. “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang dapat magbayad ng buwis sa hari ng isang bansa, ang mga mamamayan ba, o ang mga dayuhan?”