Marcos 8:13-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.

14. Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa na lamang ang natira sa tinapay na dala nila sa bangka.

15. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes.”

16. Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.”

17. Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip?

18. Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo

19. nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?”“Labindalawa po,” tugon nila.

20. “At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya.“Pito po,” muli nilang sagot.

21. “At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya.

22. Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito.

23. Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?”

24. Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao na parang punongkahoy na naglalakad.”

25. Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw.

26. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”

27. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”

28. Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”

29. “Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?” tanong niya.Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”

30. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

31. Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay dapat magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.”

32. Hayagang sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan.

Marcos 8