Marcos 7:12-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang.

13. Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong itinuturong katulad nito.”

14. Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin!

15-16. Walang pagkain na pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas dito.”

17. Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga.

18. “Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya,

19. sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.

20. At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.

21. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay,

22. mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan.

23. Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya.”

24. Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lunsod ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari.

25. Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang inang may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan.

26. Ang babaing ito'y isang Griego na Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak.

Marcos 7