45. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao.
46. Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
47. Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nag-iisa sa pampang.
48. Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,
49. nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw.
50. Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!”
51. Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha
52. sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.
53. Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang.
54. Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao.
55. Kaya't nagmadaling nilibot ng mga tao ang mga karatig-pook at sinundo ang mga maysakit. Dinadala nila ang mga nakaratay sa higaan, saanman nila mabalitaang naroon si Jesus.
56. At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lunsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.