21. Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea.
22. Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.”
23. Naipangako rin niya sa dalagang, “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit pa ang kalahati ng aking kaharian.”
24. Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.
25. Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”
26. Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga.
27. Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan.
28. Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
29. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
30. Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.
31. Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa isang lugar na kung saan maaari tayong makapagsarilinan, at upang makapagpahinga kayo nang kaunti.”
32. Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang ilang na lugar.
33. Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sila Jesus.
34. Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay.
35. Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw.
36. Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”
37. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”
38. “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”