Marcos 5:27-43 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

27. Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito,

28. sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.”

29. Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.

30. Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya agad sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”

31. Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”

32. Subalit patuloy na lumingun-lingon si Jesus sa paghahanap sa kung sinong humipo sa damit niya.

33. Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan.

34. Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”

35. Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.

36. Ngunit nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mawalan ng pag-asa; manampalataya ka lamang.”

37. Walang isinama si Jesus noon maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan.

38. Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy.

39. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”

40. Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.

41. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”

42. Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taóng gulang na.

43. Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

Marcos 5