12. Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, “Pasapiin mo na lamang kami sa mga baboy,”
13. at sila'y pinahintulutan niya. Lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at sumapi sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawang libo, ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.
14. Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang tunay na nangyari.
15. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot.
16. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at ang sinapit ng mga baboy.
17. Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.
18. Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya,
19. ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo.”
20. Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon.
21. Si Jesus ay sumakay sa bangka at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao.
22. Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito
23. at nagmamakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”