Marcos 15:18-30 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”

19. Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran.

20. Matapos kutyain, siya'y hinubaran nila ng balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.

21. Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.

22. Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.”

23. Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom.

24. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan.

25. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus.

26. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.”

27-28. May dalawang tulisang kasabay niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

29. Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw?

30. Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!”

Marcos 15