46. Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus.
47. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga alagad at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.
48. Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin?
49. Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!”
50. Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya.
51. Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao
52. ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad.
53. Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan.
54. Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya kay Jesus. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay.
55. Ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita.
56. Marami ngang saksi ang nagsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi naman nagkakaisa ang kanilang mga patotoo.
57. May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya,
58. “Narinig naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’”
59. Ngunit hindi pa rin nagkaisa ang kanilang mga patotoo.
60. Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?”
61. Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Mapagpalang Diyos?”
62. Sumagot si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. Makikita rin ninyo siyang dumarating na nasa alapaap ng kalangitan.”
63. Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Hindi na natin kailangan pa ng mga saksi!