Marcos 14:37-49 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

37. Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang?

38. Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”

39. Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan.

40. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya.

41. Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan.

42. Magsitayo kayo! Narito na ang magtataksil sa akin.”

43. Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan.

44. Bago pa man dumating, ibinigay ni Judas ang isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, iyon ang inyong hinahanap. Dakpin ninyo siya at huwag pabayaang makatakas.”

45. Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan.

46. Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus.

47. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga alagad at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.

48. Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin?

49. Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!”

Marcos 14