Marcos 13:22-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

22. Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, ang mga hinirang ng Diyos.

23. Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”

24. “Subalit sa mga panahong iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan,

25. malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at magúgulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan.

26. Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nakasakay sa alapaap, may dakilang kapangyarihan at karangalan.

27. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”

28. “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag magulang na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw.

29. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y paparating na.

30. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago pa mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon.

31. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”

32. “Ngunit walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito.

Marcos 13