14. Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag ba sa ating Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?”
15. Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.”
16. At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakatatak dito?” tanong ni Jesus sa kanila.“Sa Emperador po,” tugon nila.
17. Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”At sila'y labis na namangha sa kanyang sagot.
18. May ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila,
19. “Guro, isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’
20. Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak.
21. Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit ito ay namatay ring walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo.
22. Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay.
23. Kapag binuhay na muli ang mga patay sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?”
24. Sumagot si Jesus, “Maling-mali ang paniniwala ninyo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos.
25. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit.
26. Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’
27. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!”
28. Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?”