Marcos 12:1-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. At tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala at siya'y nagpunta sa ibang lupain.

2. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte.

3. Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala.

4. Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga katiwala.

5. Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay.

6. Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang, ‘Igagalang nila ang aking anak.’

7. Ngunit nag-usap-usap ang mga katiwala, ‘Ang taong iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang ganap nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’

8. Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan.

9. “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba.

10. Hindi ba't nabasa na ninyo ang sinasabi sa kasulatan,‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahayang siyang naging batong-panulukan.

11. Ito'y ginawa ng Panginoon,at kahanga-hangang pagmasdan?’”

12. Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinapatamaan ng talinhagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus. Subalit hindi nila ito magawâ sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya't umalis na lamang sila at iniwan si Jesus.

13. Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita.

14. Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag ba sa ating Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?”

15. Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.”

16. At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakatatak dito?” tanong ni Jesus sa kanila.“Sa Emperador po,” tugon nila.

17. Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”At sila'y labis na namangha sa kanyang sagot.

18. May ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila,

19. “Guro, isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’

Marcos 12