9. Ang mga tao sa unahan at sa hulihan ni Jesus ay sumisigaw ng ganito, “Purihin ang Diyos! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!
10. Pagpalain nawa ang itatatag nang kaharian ng ating amang si David! Purihin ang Panginoon sa Kataas-taasan!”
11. Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Pagkatapos niyang makita ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa, sapagkat gumagabi na noon.
12. Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom.
13. Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang.
14. Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.
15. Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati.
16. Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda
17. at tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Hindi ba't nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”
18. Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.
19. Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lunsod.
20. Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito.
21. Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.”
22. Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos.
23. Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari.