11. Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Pagkatapos niyang makita ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa, sapagkat gumagabi na noon.
12. Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom.
13. Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang.
14. Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.