Marcos 10:33-49 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

33. Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil.

34. Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

35. Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36. “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong ni Jesus.

37. Sumagot sila, “Sana po ay makaupo kaming katabi ninyo sa inyong kaharian, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38. Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinuman ba ninyo ang kopa na aking iinuman? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”

39. “Opo,” tugon nila.Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko.

40. Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”

41. Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid.

42. Kaya't pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ang siyang namumuno sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod.

43. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo,

44. at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.

45. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”

46. Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo.

47. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

48. Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

49. Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.”At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila.

Marcos 10