Marcos 1:12-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Pagkatapos, sa kapangyarihan ng Espiritu, si Jesus ay pumunta sa ilang.

13. Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas. Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.

14. Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

15. Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!”

16. Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda.

17. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.”

18. Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19. Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat.

20. Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.

21. Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo.

22. Namangha ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23. Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw,

24. “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita, ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

25. Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”

26. Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya.

27. Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”

Marcos 1