Lucas 23:35-48 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

35. Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”

36. Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak,

37. kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”

38. Isinulat nila sa kanyang ulunan, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

39. Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”

40. Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya!

41. Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.”

42. At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”

43. Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

44. Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain.

45. Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna.

46. Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

47. Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!”

48. Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang lungkot na lungkot.

Lucas 23