14. Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga taong bayan na maghimagsik. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya.
15. Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin si Jesus. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan; wala siyang kasalanan.
16-17. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.”
18. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!”
19. Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lunsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.
20. Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato,
21. ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”
22. Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.”
23. Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Napakalakas ng kanilang sigaw
24. kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan.
25. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.
26. Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus.
27. Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya.
28. Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak.
29. Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’
30. Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Tabunan ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Itago ninyo kami!’
31. Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin kapag ito'y tuyo na?”
32. May dalawa pang kriminal na inilabas ng mga kawal upang pataying kasama ni Jesus.
33. Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [
34. Sinabi…ginagawa: Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”]Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya.
35. Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”