Lucas 23:1-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Tumayo ang buong Sanedrin at dinala si Jesus kay Pilato.

2. Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na sinusulsulan ng taong ito ang aming mga kababayan upang maghimagsik. Ang mga tao ay pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador at nagpapanggap pa siyang siya raw ang Cristo, na siya ay isang hari.”

3. Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.

4. Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

5. Ngunit mapilit sila at sinasabing, “Sa pamamagitan ng kanyang mga katuruan ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”

6. Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga.

7. At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon.

8. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon.

9. Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.

10. Samantala, ang mga punong pari naman at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang tigil ng kapaparatang kay Jesus.

11. Dahil dito, siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng mamahaling damit, at ipinabalik siya kay Pilato.

12. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.

13. Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao.

14. Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga taong bayan na maghimagsik. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya.

15. Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin si Jesus. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan; wala siyang kasalanan.

16-17. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.”

18. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!”

19. Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lunsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.

Lucas 23