Lucas 21:25-38 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

25. “Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat.

26. Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit.

27. Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan.

28. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan.”

29. At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinhaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy.

30. Kapag nagkakadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw.

31. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos.

32. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa salinlahing ito.

33. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”

34. “Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon

35. na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao.

36. Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao.”

37. Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo.

38. Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.

Lucas 21