10. At sinabi pa niya, “Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian.
11. Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.
12. “Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador.
13. Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin.
14. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili,
15. sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway.
16. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo.
17. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin,
18. ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok.
19. Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.”
20. “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito.
21. Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan.
22. Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan.
23. Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito.
24. Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”
25. “Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat.
26. Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit.