Lucas 14:7-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga panauhin ay ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinhagang ito sa kanila.

8. “Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas marangal kaysa sa iyo.

9. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan.

10. Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin.

11. Sapagkat ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.”

12. Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa.

13. Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag.

14. Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga banal.”

15. Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, “Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!”

16. Sumagot si Jesus, “Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan.

17. Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’

18. Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’

19. Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares ng kalabaw at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’

20. Sinabi naman ng isa, ‘Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.’

21. “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Magmadali kang pumunta sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lunsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’

22. At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’

Lucas 14