Levitico 16:1-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron dahil sa kanilang paglapit nang di nararapat sa harapan ni Yahweh,

2. si Moises ay kinausap ni Yahweh. Sabi niya, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na makakalapit lamang siya sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing sa takdang panahon. Sapagkat magpapakita ako roon sa pamamagitan ng ulap sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Mamamatay siya kapag siya'y sumuway.

3. Makakapasok lamang siya roon pagkatapos niyang magdala ng batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin.

4. Siya'y maliligo; pagkatapos, magsusuot ng sagradong kasuotan—linong mahabang panloob na kasuotan, linong salawal, linong pamigkis, at linong turbante.

5. Bibigyan siya ng mga Israelita ng dalawang lalaking kambing na ihahandog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin.

6. “Ihahandog niya ang toro para sa kasalanan niya at ng kanyang sambahayan.

7. Pagkatapos, dadalhin niya ang dalawang kambing sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

8. Sa pamamagitan ng palabunutan malalaman kung alin sa dalawa ang para kay Yahweh at alin ang para kay Azazel.

9. Ang para kay Yahweh ay papatayin at iaalay tulad ng karaniwang handog para sa kasalanan.

10. Ngunit ang para kay Azazel ay buháy na ihahandog sa akin bilang pantubos sa kasalanan, saka pakakawalan sa ilang para kay Azazel.

11. “Ang batang toro ay papatayin ni Aaron at ihahandog para sa kasalanan niya at ng kanyang pamilya.

12. Pagkatapos, kukunin niya ang lalagyan ng insenso at pupunuin ng baga buhat sa altar na sunugan ng handog. Kukuha rin siya ng dalawang dakot na pinulbos na insenso at dadalhin sa loob ng tabing.

13. Upang hindi siya mamatay, ibubuhos niya ang insenso sa apoy sa harapan ko upang ang usok nito ay tumakip sa harap ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.

14. Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan.

15. “Pagkatapos, papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng sambayanan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan.

16. Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga karumihan at kasalanan ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa sa kanilang karumihan.

Levitico 16