Levitico 14:32-41 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong may sakit sa balat na parang ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.”

33. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron:

34. “Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaroon ng amag na kumakalat ang bahay na tinitirhan ninyo,

35. kailangang ipagbigay-alam agad ito sa pari.

36. Ipapaalis ng pari ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi, ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon. Pagkatapos, papasok na siya upang magsiyasat.

37. Kung makita niyang may mga palatandaang bahid sa mga dingding, maging ang kulay ay berde o pula,

38. lalabas agad siya at pitong araw niyang ipasasara ang bahay na iyon.

39. Babalik siya sa ikapitong araw at kung ang bahid ay humawa sa dingding ng bahay,

40. ipapabakbak niya ang mga batong may bahid at ipapatapon sa labas ng bayan, sa tambakan ng dumi.

41. Ipapabakbak din ang palitada ng loob ng bahay at itatapon sa tambakan ng basura ang lahat ng duming makukuha.

Levitico 14