26. Magbubuhos ang pari ng kaunting langis sa kaliwang palad niya,
27. isasawsaw ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar.
28. Papahiran din niya ng kaunting langis ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong gumaling sa sakit, doon sa mismong bahaging pinahiran ng dugong galing sa handog na pambayad sa kasalanan.
29. Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon bilang pantubos sa kanya sa harapan ni Yahweh.
30. Ihahandog din niya ang dalawang batu-bato o kalapati na kanyang nakayanan;
31. ang isa nito'y para sa kasalanan at ang isa naman ay para sa handog na susunugin kasama ang handog na pagkaing butil. Ito ang gagawin ng pari upang linisin ang nagkasakit.
32. Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong may sakit sa balat na parang ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.”
33. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron:
34. “Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaroon ng amag na kumakalat ang bahay na tinitirhan ninyo,
35. kailangang ipagbigay-alam agad ito sa pari.
36. Ipapaalis ng pari ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi, ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon. Pagkatapos, papasok na siya upang magsiyasat.
37. Kung makita niyang may mga palatandaang bahid sa mga dingding, maging ang kulay ay berde o pula,
38. lalabas agad siya at pitong araw niyang ipasasara ang bahay na iyon.
39. Babalik siya sa ikapitong araw at kung ang bahid ay humawa sa dingding ng bahay,
40. ipapabakbak niya ang mga batong may bahid at ipapatapon sa labas ng bayan, sa tambakan ng dumi.
41. Ipapabakbak din ang palitada ng loob ng bahay at itatapon sa tambakan ng basura ang lahat ng duming makukuha.
42. Ang mga batong binakbak sa loob ng bahay ay papalitan ng bago at papalitadahan nang panibago ang loob ng bahay.