18. Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong nililinis bilang handog kay Yahweh para sa kapatawaran ng kasalanan.
19. “Iaalay ng pari ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at sa pamamagitan nito'y tutubusin ang taong nililinis. Pagkatapos, papatayin niya ang handog na susunugin
20. at ihahandog niya ito sa altar kasama ng handog na pagkaing butil. Sa gayon, matutubos ang taong iyon at magiging malinis.
21. “Kung dukha ang taong maghahandog, mag-aalay siya ng isang tupang lalaki bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan, kalahating salop ng harinang may halong langis bilang handog na pagkaing butil at 1/3 litrong langis.
22. Mag-aalay rin siya ng dalawang batu-bato o kalapati, ayon sa kanyang kaya; ang isa'y handog para sa kasalanan at handog na susunugin naman ang isa.
23. Pagdating ng ikawalong araw, dadalhin niya ang kanyang mga handog sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
24. Kukunin at itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang tupang lalaki at ang 1/3 litrong langis bilang handog na pambayad sa kasalanan.
25. Ang tupa'y papatayin ng pari, kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa lambi ng kanang tainga at hinlalaki ng kanang kamay at paa ng maghahandog.
26. Magbubuhos ang pari ng kaunting langis sa kaliwang palad niya,
27. isasawsaw ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar.
28. Papahiran din niya ng kaunting langis ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong gumaling sa sakit, doon sa mismong bahaging pinahiran ng dugong galing sa handog na pambayad sa kasalanan.
29. Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon bilang pantubos sa kanya sa harapan ni Yahweh.
30. Ihahandog din niya ang dalawang batu-bato o kalapati na kanyang nakayanan;
31. ang isa nito'y para sa kasalanan at ang isa naman ay para sa handog na susunugin kasama ang handog na pagkaing butil. Ito ang gagawin ng pari upang linisin ang nagkasakit.
32. Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong may sakit sa balat na parang ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.”
33. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron:
34. “Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaroon ng amag na kumakalat ang bahay na tinitirhan ninyo,
35. kailangang ipagbigay-alam agad ito sa pari.
36. Ipapaalis ng pari ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi, ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon. Pagkatapos, papasok na siya upang magsiyasat.