Juan 6:5-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?”

6. Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.

7. Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”

8. Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro,

9. “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?”

10. “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang lahat, humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki.

11. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga tao. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Nakakain ang lahat at nabusog.

12. Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.”

13. Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing.

14. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paparito sa sanlibutan!”

15. Nahalata ni Jesus na lalapit ang mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.

16. Nang magtatakip-silim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa.

17. Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus.

18. Biglang lumakas ang hangin at lumaki ang alon.

19. Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot.

Juan 6