23. dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon.
24. Kaya't nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.
25. Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”
26. Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog.
27. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan.”
28. Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”
29. “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
30. “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin?
31. Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan ni Moises ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.
32. Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit.
33. Dahil ang tinapay na galing sa Diyos ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”
34. Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”
35. Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
36. Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumampalataya sa akin.