Juan 6:20-40 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus!”

21. Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan.

22. Alam ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Alam rin nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. Kinabukasan,

23. dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon.

24. Kaya't nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.

25. Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”

26. Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog.

27. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan.”

28. Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”

29. “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.

30. “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin?

31. Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan ni Moises ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.

32. Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit.

33. Dahil ang tinapay na galing sa Diyos ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”

34. Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”

35. Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.

36. Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumampalataya sa akin.

37. Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin.

38. Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.

39. At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko siyang muli sa huling araw.

40. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng kumilala at sumampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”

Juan 6