10. “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang lahat, humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki.
11. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga tao. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Nakakain ang lahat at nabusog.
12. Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.”
13. Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing.
14. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paparito sa sanlibutan!”
15. Nahalata ni Jesus na lalapit ang mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.
16. Nang magtatakip-silim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa.
17. Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus.
18. Biglang lumakas ang hangin at lumaki ang alon.
19. Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot.
20. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus!”
21. Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan.