Juan 5:33-45 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

33. Nagpasugo kayo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan.

34. Hindi galing sa tao ang aking patotoo; sinasabi ko ito upang kayo ay maligtas.

35. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag.

36. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan, ang mga gawaing ipinapagawa sa akin ng Ama ang siya ko namang ginaganap; iyan ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama.

37. At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo.

38. Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya.

39. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin!

40. Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41. “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao.

42. Subalit kilala ko kayo; alam kong wala sa inyo ang pag-ibig ng Diyos.

43. Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, ito'y inyong tatanggapin.

44. Ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayo maniniwala sa akin?

45. Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo.

Juan 5