Juan 19:22-35 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

22. Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.”

23. Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba.

24. Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.”Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.

25. Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.

26. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!”

27. At sinabi niya sa alagad, “Ituring mo siyang iyong ina!” Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.

28. Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”

29. May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig.

30. Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

31. Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay.

32. Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus.

33. Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti.

34. Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig.

35. Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo'y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya.

Juan 19