17. Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Zedekias ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay mabubuhay.
18. Ngunit kung hindi kayo susuko, ibibigay sa taga-Babilonia ang lunsod na ito. Susunugin nila ito, at hindi kayo makakaligtas.”
19. Sumagot si Haring Zedekias, “Natatakot ako sa mga Judiong kumampi sa mga taga-Babilonia. Baka ibigay ako sa kanila, at ako'y pahirapan nila.”
20. “Hindi kayo ibibigay sa kanila,” sabi ni Jeremias. “Ipinapakiusap kong sundin ninyo ang salita ni Yahweh, gaya ng pagkakasabi ko sa inyo. Sa gayo'y mapapabuti kayo at maliligtas.
21. Ipinaalam na sa akin ni Yahweh, sa pamamagitan ng isang pangitain, ang mangyayari kapag hindi kayo sumuko.
22. Nakita kong inilalabas ng mga pinunong taga-Babilonia ang lahat ng babaing naiwan sa palasyo ng hari sa Juda. Pakinggan ninyo ang sinasabi nila:‘Ang hari'y iniligaw ng pinakamatalik niyang mga kaibigan;naniwala siya sa kanila.At ngayong nakalubog sa putik ang kanyang mga paa,iniwan na siya ng mga kaibigan niya.’”
23. Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias, “Bibihagin ng mga taga-Babilonia ang lahat ng babae at mga bata; pati ikaw ay hindi makakaligtas. Dadalhin kang bihag, at susunugin ang lunsod na ito.”
24. Sumagot si Zedekias, “Huwag mong ipapaalam kahit kanino ang pag-uusap na ito, at hindi na manganganib ang buhay mo.
25. Kung mabalitaan ng mga pinuno na kinausap kita, lalapitan ka nila at itatanong kung ano ang pinag-usapan natin. Mangangako pa sila na hindi ka papatayin kung magtatapat ka.
26. Ngunit sabihin mong nakikiusap ka lang sa akin na huwag na kitang ipabalik sa bahay ni Jonatan upang doon mamatay.”
27. Nagpunta nga kay Jeremias ang lahat ng pinuno at tinanong siya. At sinabi naman niya sa kanila ang iniutos ng hari na kanyang isasagot. Wala silang magawâ sapagkat walang nakarinig sa pag-uusap nila.
28. At nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay hanggang sa masakop ang Jerusalem.