Jeremias 37:1-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Si Zedekias na anak ni Haring Josias ang inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia bilang hari ng Juda, kahalili ni Conias, na anak ni Haring Jehoiakim.

2. Ngunit ang pahayag ni Yahweh na ipinapasabi kay Propeta Jeremias ay hindi rin dininig ni Zedekias, ng kanyang mga pinuno, at ng mga tao.

3. Inutusan ni Haring Zedekias si Jehucal, anak ni Selemias, at ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, upang hilingin kay Jeremias na idalangin kay Yahweh ang bansa.

4. Hindi pa nabibilanggo si Jeremias nang panahong iyon; kaya malaya pa siyang nakakausap ang mga tao.

5. Samantala, lumabas na ng Egipto ang hukbo ng Faraon upang tumuloy sa Juda. Nang mabalitaan ito ng hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa Jerusalem, iniwan muna nila ito upang harapin ang mga Egipcio.

6. Noon sinabi ni Yahweh kay Jeremias,

7. “Sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa iyo upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ng Faraon na inaasahan mong darating upang tumulong sa inyo ay babalik sa Egipto.

8. At ang mga taga-Babilonia ay babalik. Muli nilang sasalakayin ang lunsod, sasakupin at susunugin.

9. Akong si Yahweh ay nagbababala sa iyo. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong akalaing ligtas ka na sa mga taga-Babilonia. Tiyak na babalik sila.

Jeremias 37