1. Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.”
2. Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot.
3. Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh,
4. “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.”
5. Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.
6. Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago.
7. Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan.
8. Muling nagsalita si Yahweh,
9. “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem.
10. Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan.
11. Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin ng mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.”
12. Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Punuin ninyo ng alak ang bawat tapayan. Ganito naman ang isasagot nila, ‘Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat tapayan.’