8. Halika, at isulat mo sa isang aklat,kung anong uri ng mga tao sila;upang maging tagapagpaalala magpakailanman,kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
9. Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10. Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,at ang mga hulang hindi matutupad.
11. Umalis kayo sa aming daraanan,at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”
12. Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel:“Tinanggihan mo ang aking salita,at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala.
13. Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,tulad ng pagguho ng isang marupok na paderna bigla na lamang babagsak.
14. Madudurog kang parang palayokna ibinagsak nang walang awa;wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”
15. Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”Ngunit kayo'y tumanggi.
16. Sinabi ninyong makakatakas kayo,sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17. Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;matutulad kayo sa tagdan ng bandilana doon naiwan sa tuktok ng burol.
18. Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
19. Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya.
20. Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo.
21. Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.”
22. Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”
23. Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.