13. Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,tulad ng pagguho ng isang marupok na paderna bigla na lamang babagsak.
14. Madudurog kang parang palayokna ibinagsak nang walang awa;wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”
15. Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”Ngunit kayo'y tumanggi.
16. Sinabi ninyong makakatakas kayo,sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17. Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;matutulad kayo sa tagdan ng bandilana doon naiwan sa tuktok ng burol.
18. Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
19. Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya.
20. Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo.
21. Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.”
22. Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”
23. Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.
24. Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop.
25. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore.
26. Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.
27. Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh,nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap;ang mga labi niya'y nanginginig sa galit,at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
28. Magpapadala siya ng malakas na hanginna tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan.Wawasakin nito ang mga bansaat wawakasan ang kanilang masasamang panukala.
29. Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel.