Genesis 40:4-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Si Jose ang naatasan ng kapitan na tumingin at maglingkod sa dalawang bilanggo, kaya't matagal silang magkasama sa bilangguan.

5. Isang gabi, ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero ay parehong nanaginip.

6. Kinaumagahan, nang dumalaw si Jose, napuna niyang nababalisa ang dalawa.

7. Tinanong niya kung bakit,

8. at sila nama'y nagpaliwanag. “Alam mo, pareho kaming nanaginip, ngunit wala ni isa mang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga iyon.”“Ang Diyos lamang ang nakapagpapaunawa sa atin ng kahulugan ng mga panaginip,” sabi ni Jose. “Ano ba ang napanaginipan ninyo?”

9. Ang tagapangasiwa ng inumin ang unang nagsalaysay. Ang sabi nito, “Napanaginipan kong sa harapan ko'y may puno ng ubas

10. na may tatlong sanga. Pagsibol ng dahon nito, namulaklak na rin at kaagad nahinog ang mga bunga.

11. Hawak ko noon ang kopa ng Faraon, kaya't pinisa ko ang ubas at ibinigay sa Faraon.”

12. “Ito ang kahulugan ng panaginip mo,” sabi ni Jose. “Ang tatlong sanga ay tatlong araw.

13. Sa loob ng tatlong araw, ipapatawag ka ng Faraon at patatawarin. Ibabalik ka sa dati mong tungkulin.

14. Kaya, kapag naroon ka na, huwag mo naman akong kakalimutan. Banggitin mo naman ako sa Faraon at tulungan mo akong makalaya sa bilangguang ito.

15. Ang totoo'y kinuha lamang ako sa lupain ng mga Hebreo, at wala akong nalalamang dahilan upang mabilanggo rito.”

Genesis 40