16. Gabi na nang dumating noon si Jacob galing sa kaparangan. Sinalubong agad siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi; si Raquel ay binigyan ko ng mondragorang dala ng aking anak para sa karapatang ito.” Nagsiping nga sila nang gabing iyon,
17. at dininig ng Diyos ang dalangin ni Lea. Nagdalang-tao siya at ito ang panlimang anak nila ni Jacob.
18. Kaya't sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos sapagkat ipinagkaloob ko sa aking asawa ang aking alipin;” at pinangalanan niyang Isacar ang kanyang anak.
19. Muling nagdalang-tao si Lea, at ito ang pang-anim niyang anak.
20. Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun.
21. Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina.
22. Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin.
23. Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.”
24. At tinawag niyang Jose ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.”
25. Nang maipanganak si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan na po ninyo akong makauwi.
26. Isasama ko na po ang aking mga asawa at mga anak. Marahil po nama'y sapat na ang aking ipinaglingkod sa inyo dahil sa kanila.”
27. Sinabi ni Laban, “Kung mamarapatin mo'y ito ang sasabihin ko: Batay sa karanasan ko sa panghuhula, tunay na pinagpala ako ni Yahweh dahil sa iyo.
28. Sabihin mo kung magkano ang dapat kong ibayad sa iyo at babayaran kita.”
29. Sumagot si Jacob, “Alam naman ninyo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang inyong kawan sa aking pangangasiwa.
30. Ang kaunti ninyong kabuhayan bago ako dumating ay maunlad na ngayon, sapagkat pinagpala kayo ni Yahweh dahil sa akin. Kaya, dapat namang iukol ko na ngayon ang aking panahon sa aking sambahayan.”
31. “Ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo?” tanong ni Laban.Sumagot si Jacob, “Hindi ko po kailangang ako'y bayaran pa ninyo. Patuloy kong aalagaan ang inyong kawan, kung sasang-ayon kayo sa isang kondisyon.
32. Pupunta ako sa inyong kawan ngayon din at ibubukod ko ang mga tupang itim, gayon din ang mga batang kambing na may tagping puti. Iyon na po ang para sa akin.
33. Sa darating na panahon, madali ninyong malalaman kung ako'y tapat sa inyo o hindi. Tuwing titingnan ninyo ang mga hayop na naging kabayaran ninyo sa akin, at mayroon kayong makitang hindi itim na tupa o kaya'y kambing na walang tagpi, masasabi ninyong ninakaw ko iyon sa inyo.”
34. “Mabuti! Iyan ang ating gagawin,” tugon ni Laban.
35. Ngunit nang araw ring iyon, ibinukod ni Laban ang lahat ng kambing na may tagpi maging barako o inahin, gayundin ang mga tupang itim at ito'y pinaalagaan niya sa kanyang mga anak na lalaki.
36. Iniwan niya kay Jacob ang natira sa kawan at silang mag-aama'y lumayo nang may tatlong araw na paglalakbay, dala ang alaga nilang kawan.