Genesis 3:7-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.

8. Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno.

9. Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?”

10. “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad,” sagot ng lalaki.

11. Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”

12. “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.

13. “Bakit mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae.“Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito.

14. At sinabi ng Panginoong Yahweh sa ahas:“Sa iyong ginawa'y may parusang dapat,na ikaw lang sa lahat ng hayop ang magdaranas;mula ngayon ikaw ay gagapang,at ang pagkain mo'y alikabok lamang.

15. Kayo ng babae'y aking pag-aawayin,binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.”

16. Sa babae nama'y ito ang sinabi:“Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin,at sa panganganak sakit ay titiisin;ang asawang lalaki'y iyong nanasain,pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin.”

17. Ito naman ang sinabi ng Diyos kay Adan:“Dahil nakinig ka sa iyong asawa,nang iyong kainin ang ipinagbawal kong bunga;dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa,sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula.

18. Mga damo at tinik ang iyong aanihin,halaman sa gubat ang iyong kakainin;

Genesis 3