1. Tulad ng nangyari nang panahon ni Abraham, nagkaroon muli ng taggutom sa lupain ng Canaan, kaya't nakarating si Isaac sa Gerar, sakop ni Abimelec na hari ng mga Filisteo.
2. Nagpakita si Yahweh kay Isaac at nagsabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto; manirahan ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.
3. Dito ka muna; sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi ang buong lupaing ito, tulad ng aking ipinangako sa iyong amang si Abraham.
4. Pararamihin kong gaya ng mga bituin sa kalangitan ang iyong lahi, at lahat ng lupaing ito'y ibibigay ko sa kanila. At hihilingin sa akin ng lahat ng bansa sa daigdig na sila'y pagpalain ko tulad ng ginagawa ko sa iyong lahi.
5. Pagpapalain kita dahil kay Abraham, sapagkat sinunod niya ako at tinupad ang aking mga utos.”
6. Doon nga tumira si Isaac sa Gerar.
7. Kung tinatanong siya ng mga tagaroon tungkol kay Rebeca, sinasabi niyang ito'y kanyang kapatid. Inililihim niyang mag-asawa sila sa takot na siya'y patayin para makuha si Rebeca, sapagkat ito'y maganda.
8. Hindi pa sila nagtatagal sa lugar na iyon, nadungawan minsan ni Abimelec sina Isaac at Rebeca na naglalambingan.
9. Ipinatawag agad ni Abimelec si Isaac at ang sabi'y, “Tiyak na asawa mo ang babaing iyon, hindi ba? Bakit ang sabi mo'y kapatid mo?”“Natatakot po ako na baka ako'y patayin kung sabihin kong asawa ko siya,” tugon ni Isaac.
10. “Bakit mo ito ginawa sa amin?” wika ni Abimelec. “Kung siya'y ginalaw ng isa sa mga tauhan ko, isinubo mo pa kami sa kapahamakan!”
11. At sinabi ni Abimelec sa kanyang nasasakupan, “Papatayin ang sinumang umapi sa mag-asawang ito.”