Genesis 21:13-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.”

14. Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba.

15. Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy,

16. at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.

17. Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak.

18. Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.”

19. Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata.

20. Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso.

21. Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.

22. Nang panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos.

23. Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.”

24. “Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham.

25. Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari.

26. Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?”

27. Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka.

28. Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan.

29. “Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec.

30. Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.”

31. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba, sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa.

32. Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo.

Genesis 21