Genesis 12:3-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Ang sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”

4. Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot.

5. Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan.Pagdating nila roon,

6. nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo.

7. Nagpakita kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya.

8. Buhat doon, nagtuloy siya sa kaburulan sa silangan ng Bethel at huminto sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo rin siya roon ng altar at sumamba kay Yahweh.

9. Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan.

10. Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan.

11. Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo.

12. Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka.

13. Ang mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.”

14. Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai.

15. Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo.

Genesis 12