Filemon 1:7-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Kapatid, ang pag-ibig na iyon ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo, sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos.

8. Kaya nga, malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin bilang kapatid mo kay Cristo,

9. ngunit mas minabuti kong makiusap sa iyo sa pangalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya,

10. ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo.

11. Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo, ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa.

12. Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso.

13. Nais ko sanang manatili na siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito.

14. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan.

15. Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon,

16. hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lamang bilang isang alipin, kundi bilang isa nang kapatid sa Panginoon!

17. Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin.

18. Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin.

19. Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo.

Filemon 1