Ezra 8:18-34 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo.

19. Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito.

20. Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan.

21. “Doon sa pampang ng Ilog Ahava, sinabi ko sa buong grupo na kaming lahat ay mag-aayuno at maninikluhod sa harap ng aming Diyos upang hilingin sa kanya na patnubayan kami at ingatan sa paglalakbay, pati na ang aming mga anak at mga ari-arian.

22. Nahihiya akong humiling sa hari ng mga kawal na magbabantay sa amin laban sa mga kaaway habang kami'y naglalakbay sapagkat nasabi ko na sa hari na pinapatnubayan ng aming Diyos ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Napopoot siya at nagpaparusa sa mga nagtatakwil sa kanya.

23. Nag-ayuno nga kami at hiniling sa Diyos na nawa'y ingatan kami, at pinakinggan naman niya ang aming kahilingan.

24. “Mula sa mga pangunahing pari ay pinili ko sina Serebias at Hashabias, at sampung iba pa na pawang mga kamag-anak din nila.

25. Pagkatapos ay tinimbang ko at ibinigay sa mga pari ang mga pilak, ginto, at lalagyang ipinagkaloob ng hari at ng kanyang mga tagapayo at mga pinuno, at ng buong Israel upang gamitin sa Templo.

26-27. Ang mga ibinigay ko sa kanila ay 22,750 kilong pilak; sandaang sisidlang pilak na may bigat na pitumpung kilo; 3,500 kilong ginto; dalawampung mangkok na ginto na ang timbang ay walong kilo at apat na guhit; at dalawang mangkok na yari sa pinong tanso na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.”

28. Sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa harap ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno; sagrado rin naman ang lahat ng pilak at gintong kagamitan na iniaalay kay Yahweh bilang mga kusang-loob na handog.

29. Ingatan ninyong mabuti ang mga ito hanggang sa makarating kayo sa Templo, sa silid ng mga pari, kung saan titimbangin ang mga ito sa harap ng mga punong pari, mga Levita at mga pinuno ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem.”

30. Pinamahalaan nga ng mga pari at mga Levita ang mga ginto, ang mga pilak, at ang mga lalagyan. Kinuha nila ang mga ito at dinala sa Templo ng aming Diyos sa Jerusalem.

31. Umalis kami sa pampang ng Ilog Ahava at naglakbay patungong Jerusalem noong ika-12 araw ng unang buwan. Pinatnubayan kami ng aming Diyos at iningatan kami sa anumang pananalakay at pananambang ng mga kaaway.

32. Pagdating namin sa Jerusalem, tatlong araw kaming nagpahinga roon.

33. Noong ikaapat na araw, nagtungo na kami sa Templo at pagkatapos timbangin doon ang mga pilak, ang mga ginto, at ang mga lalagyan, ipinagkatiwala namin ang mga ito sa paring si Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finehas at sa mga Levitang sina Jozabad na anak ni Josue at Noadias na anak ni Binui.

34. Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng bawat isa ay inilista.

Ezra 8