11. sa angkan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walong lalaki;
12. sa angkan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110 lalaki;
13. sa angkan ni Adonikam ay sina Elifelet, Jeuel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapung lalaki;
14. sa angkan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu.
15. Sinabi ni Ezra,“Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava at tatlong araw kaming tumigil doon. Nalaman ko roon na may mga pari sa grupo ngunit walang Levita.
16. Dahil dito, ipinatawag ko ang mga pinunong sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam at ang mga gurong sina Joiarib at Elnatan.
17. Isinugo ko silang lahat kay Ido na pinuno ng Casifia para hilingin sa kanya at sa kanyang mga kapanalig na manggagawa ng templo na magpadala ng mga taong maglilingkod sa Templo ng Diyos.
18. Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo.
19. Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito.
20. Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan.
21. “Doon sa pampang ng Ilog Ahava, sinabi ko sa buong grupo na kaming lahat ay mag-aayuno at maninikluhod sa harap ng aming Diyos upang hilingin sa kanya na patnubayan kami at ingatan sa paglalakbay, pati na ang aming mga anak at mga ari-arian.
22. Nahihiya akong humiling sa hari ng mga kawal na magbabantay sa amin laban sa mga kaaway habang kami'y naglalakbay sapagkat nasabi ko na sa hari na pinapatnubayan ng aming Diyos ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Napopoot siya at nagpaparusa sa mga nagtatakwil sa kanya.
23. Nag-ayuno nga kami at hiniling sa Diyos na nawa'y ingatan kami, at pinakinggan naman niya ang aming kahilingan.
24. “Mula sa mga pangunahing pari ay pinili ko sina Serebias at Hashabias, at sampung iba pa na pawang mga kamag-anak din nila.
25. Pagkatapos ay tinimbang ko at ibinigay sa mga pari ang mga pilak, ginto, at lalagyang ipinagkaloob ng hari at ng kanyang mga tagapayo at mga pinuno, at ng buong Israel upang gamitin sa Templo.